Full width home advertisement

Travel the world

Explore the Philippines

Post Page Advertisement [Top]




Mahirap ang mamuhay mag-isa kaya dapat ay mag-isip ng paraan mga para makatipid di lang sa pera kundi pati sa oras. 

Paunawa: ang mga ito ay base sa personal na karanasan at maaaring mahirap o hindi maaaring i-apply sa iba. Bilang OFW, mag-isa ako sa gastusin at sa pagluluto ng aking pagkain. Maaari din sigurong iapply ang ilan sa mga ito sa mga nasa Pilipinas na mag-isa sa bahay o may kasama ngunit bukod ang pagkain.






    Batching o maramihang pagluto para makatipid sa oras


    Isa sa mga teknik ko ay ang tinatawag na batching. Ang mas popular na tawag dito ay 'meal preparation' o 'meal prep'. Hindi ako maselan sa pagkain at kayang kumain nang paulit-ulit na ulam kahit sa loob ng ilang araw.

    Narinig nyo na siguro na mas masarap ang adobo kapag umabot na ito ng tatlong araw?

    Minsan, nagluluto ako ng mahigit isang putahe sa isang tayuan ---isa o higit pang oras ng pagluluto para sa pagkaing tatagal sa loob ng humigit-kumulang isang linggo. Laking tipid sa oras, di ba?

    Sa halip na magluluto ako nang matagal at ng bagong ulam bawat gabi, kukunin ko lang sa ref ang pagkain at iiinit sa microwave o kaya ay kawali nang saglit at ready na. Maaari nang magpatuloy sa trabaho, paglilibang, pagbabasa o pamamahinga.

    Kayang magtagal nang hanggang 5 araw ang pagkain sa ref. Maaari ding ilagay sa freezer (parang tuwing fiesta na inilalagay sa freezer ang tirang menudo) para mas tumagal pa ang pagkain.

    Paalala: isalang-alang ang ibang gumagamit ng ref at 'wag magluto nang pagkaing ookupa nang sobra-sobrang space sa ref. Okay lang kung may personal ref ka.





    Kumain para lumusog


    Ang mga pagkain ko sa araw-araw ay para magkasustansya ang aking katawan, hindi (unang-una) para lamang masiyahan o may maipost sa social media. Food is not entertainment, ika nga ni Erwan Heussef, lalo kung gusto mong magmintina ng timbang. (Link: Erwan Cooks 19 Dishes in 90 Minutes (The Fat Kid Inside 1-Week Meal Plan))

    Malakas akong kumain ng manok dahil mas mura iyon dito at mainam na source ng protina at taba. 





    Pagkain upang matuto, malibang, at kumita


    Ang perang matitipid ay maaaring gamitin para sa mas mahalagang bagay o maaaring ipambili paminsan-minsan ng mga masasarap na treats gaya ng ice cream o cake. O di kaya ay sumubok na ikaw mismo ang bumili ng mga sangkap at mag-aral gumawa ng mga ito. Maaari mo pang gawing libangan at negosyo na tatangkilikin ng mga kamag-anak at kaibigan mo.

    Importante na wag sanaying laging maluho sa pagkain at ganon din, wag ding tuluyang pagkaitan ang sarili sa mga pagkaing 'nakakapagpaligaya' sa atin. Parehong masama ang epekto sa kalusugan.





    Sharing is caring?


    Isa sa mga challenges ng solo o mag-isa sa pagkain ay kapag may kasama ka sa bahay na naka-'korpo' o sama-sama sa pagkain (korpo, mula sa salitang korporasyon, kung saan hati-hati sa budget sa pagkain ang mga kasapi). Maaaring may pagkakataong ikaw ay maaalok. Hangga't maaari, iwasan, ngunit magpasalamat, ang makikain. Wala ka mang intensiyon na maging freeloader, may ilan na iisipin na ikaw ay nanamantala at nakikikain nang libre.

    Bilang isang soloista, may choice kang di magluto (agad) at dahil doon, di ka laging makakapag-alok at share ng sarili mong luto. 

    Bilang soloista, wala kang ibang aasahan at di ka maghihintay na may kumilos para ipagluto ka.





    Kung kumakain nang may kasama


    Kung may kahati sa pondo ng pagkain ('korpo' ang tawag namin) o pampamilya, hindi praktikal na mag-batching o meal prep. Ngunit may ilan pa ding paraan para mabawasan ang pagsasayang.

    Una: huwag matakaw. Iayon ang pagkain sa kailangan ng katawan. Kung wala kang masyadong gagawin, kaunti lang ang kainin. Nakatipid ka na, nakapag-diet ka pa.

    Pangalawa: huwag magsayang ng pagkain. Maghain lamang ng sapat na kakainin. Itabi ang tirang ulam o kanin para sa susunod na kain. Marami ang ayaw ng umuulit ng pagkain. I-ref o i-freezer ang mga tira at iinit kapag kakainin na.

    Pangatlo, pinakaimportante: kumain ng masustansiya. Mas mura ang mga junk foods dahil sisirain ng mga ito ang katawan mo. Sa mga simpleng gulay pa lang ay makukuha na ang mga sustansiyang kailangan ng katawan.





    Konklusyon


    Hindi garantiya na mas nakakatipid ang pagkain nang solo. Depende pa din ito sa mga uri ng kinakain mo, pero mas may kalayaan ka sa pagpili ng pagkaing gusto mo, at madali din magfasting kung gugustuhin.

    Iba-iba tayo ng panlasa, pangangailangan at kapasidad, at trip sa buhay pero kung una nating iisipin ang kalusugan ng ating katawan, maaaring maging dagdag na resulta ay ang malusog na bulsa at dagdag na oras sa araw-araw. 

    Muli, hindi para sa lahat ang mga nasa taas. Ito ay mga tips lamang base sa personal na karanasan. Mayroon kang freewill, kumain nang naaayon sa kagustuhan mo.





    Mga Larawan




    Chicken teriyaki and stir fried vegetables. Ready to eat!

    Pesto pasta with chicken

    Easy and complete ulam

    Just heat in the microwave oven o sa kawali!

    Mas nagtatagal ang pagkain kapag nilagay sa freezer.

    Higit sa lahat, pwede kang mag-eksperimento ng kung anu-anong kombinasyon ng pagkain na walang recipe na sinusunod!

    Bottom Ad [Post Page]